Magsisimula sa Linggo, Enero 10, ang election period sa bansa, kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 9.
Kasabay nito, ipatutupad na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang election gun ban sa lahat ng dako ng bansa sa nasabing petsa.
Sa bisa ng Resolution No. 10029, naglabas na rin ang Comelec ng guidelines na susundin ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa mga Comelec checkpoint para sa gun ban.
Ayon sa Comelec, ang mga checkpoint ay dapat na maliwanag, kaagad na makikilala, at binabantayan ng mga unipormadong awtoridad.
Sa paglapit, dapat na maging magalang ang awtoridad sa mga motorista at respetuhin ang lahat ng karapatan ng mga ito.
Mahigpit rin na ipinagbabawal ng Comelec sa mga awtoridad na pababain sa behikulo ang mga motorista at pinaalalahanan ang mga ito na tanging visual search lamang ang maaari sa behikulo.
Maaari namang gumamit ang mga ito ng flashlight sa pagse-search ngunit hindi na kailangan pang buksan ang pintuan ng sasakyan.
Pinaalalahanan din ng Comelec ang mga awtoridad sa Constitutional rights na walang sinumang tao ang dapat isailalim sa physical o body search nang walang sapat na rason.
“The personnel manning the checkpoint cannot compel the motorists to open the trunk or glove compartment of the car or any package contained therein,” paalala pa ng Comelec.
Ang pagtatayo ng mga checkpoint sa mga estratehikong lugar ay bahagi ng gun ban na magiging epektibo hanggang sa Hunyo 8, kasabay ng pagtatapos ng election period.
Pinaalalahanan din ng Comelec ang mga pulis laban sa anumang uri ng pagso-solicit o extortion sa mga motorista.
(Mary Ann Santiago)