Binatikos ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang administrasyong Aquino dahil sa kabiguan nito na ibigay ang kanilang year-end incentive sa unang pagkakataon sa nakalipas na dekada.

Sinabi ng mga miyembro ng TDC, na mga guro sa pampublikong paaralan, na mistulang tinamaan sila ng “El Niño” nitong 2015 dahil sa pag-ipit ng gobyerno sa kanilang bonus.

“Ang pinakahuling pagkakataon na hindi nakatanggap ng year-end bonus ang mga guro at kawani ng gobyerno ay noong Disyembre 2004,” pahayag ni TDC national spokesman Benjo Basas.

Sinabi ni Basas na nagkaloob si noo’y Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng dalawang incentive na nagkakahalaga ng P4,000 sa unang anim na buwan ng 2005. Ito ay binubuo ng P3,000 Productivity Enhancement Pay noong Pebrero at P1,000 Educational Assistance noong Hunyo.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Simula 2002 hanggang Disyembre 2009, sinabi ni Basas na patuloy ang pagkakaloob ni Arroyo ng year-end incentive sa iba’t ibang halaga.

Ang pinakamalaking year-end bonus na natanggap ng mga guro ay ang P10,000 performance bonus simula 2007 hanggang 2009, bago ito tinawag na Productivity Enhancement Incentive (PEI).

Ang PEI ay itinulong ng administrasyong Aquino ng dalawang taon.

“Ngunit noong 2012, kinaltas ng halos kalahati ng DBM (Department of Budget and Management) at Malacañang ang PEI at binigyan lamang kami ng P5,000 year end incentive para sa mga guro at empleyado ng gobyerno,” aniya.

Mas makabubuti, aniya, para sa mga guro kung bibigyan sila ng administrasyong Aquino ng patas na sahod.

Matagal nang hinihiling ng grupo sa Malacañang na aprubahan ang P10,000 across-the-board increase sa sahod ng mga guro.

“Subalit ang ibinigay sa amin ng gobyerno bilang Pamaskong handog ay nakaiinsultong salary package sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) 2015 na P528 dagdag sa kada buwang sahod simula Enero 2016. (INA HERNANDO- MALIPOT)