Naniniwala si Vice President Jejomar C. Binay na nagbubunga na nang mabuti ang kakaibang estratehiya niya sa pangangampanya para sa 2016 presidential race.
Ito ay ang pagiging “low profile” candidate na naging susi sa pagbawi niya sa mga nakaraang survey.
Aminado si United Nationalist Alliance (UNA) Spokesman at Provincial Coordinator Mon Ilagan na sadyang umiiwas si Binay, UNA standard bearer, sa pakikipagbangayan sa media sa mga kalaban nito sa 2016.
“Ayaw na niyang makisawsaw pa sa gulo ng ibang kandidato na wala namang bearing na hindi naman tataas survey mo. So, he preferred to be quiet and magtrabaho na lang,” ayon kay Ilagan, na nagsilbing alkalde ng Cainta, Rizal ng tatlong termino.
Partikular na pinadaplisan ni Binay sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Liberal Party standard bearer Mar Roxas na kapwa tumatakbo rin sa pagkapangulo sa 2016 elections at nagbangayan sa nakalipas na mga linggo.
Matatandaan na kinuwestiyon ni Duterte, standard bearer ng PDP-Laban, ang educational background ni Roxas na umano’y pineke ang kanyang degree mula sa Wharton School of Business sa University of Pennsylvania.
Sa kanyang panig, binuweltahan ni Roxas si Duterte sa pagsasabing mali ang impresyon na ang Davao City ang may pinakamababang crime rate sa bansa dahil iba ang lumalabas sa datos ng Philippine National Police (PNP).
Sa kasagsagan ng batuhan ng putik nina Duterte at Roxas, umabot pa ito sa hamunan ng sampalan, suntukan at barilan.
Habang nangyayari ang mga ito, tahimik namang nag-iikot si VP Binay sa mga lalawigan upang iparating ang kanyang plataporma de gobyerno, na nagresulta sa kanyang pagbawi sa voter preference sa survey ng Pulse Asia at Social Weather Station (SWS) noong Disyembre.
Kapwa umani sina Binay at Sen. Grace Poe ng 26 porsiyento sa voter preference sa SWS habang nakakuha ang ikalawang pangulo ng 33 porsiyento sa Pulse Asia survey na sinundan ni Duterte ng 23 porsiyento. (Ellson A. Quismorio)