Isang araw matapos magdeklara ng pinaigting na opensiba laban sa mga natitirang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), naglunsad ng panibagong pag-atake ang mga bandido sa dalawang bayan ng Maguindanao, noong bisperas ng Bagong Taon.

Ayon sa militar, sinalakay ng mga armadong BIFF ang Mamasapano at Shariff Aguak, at nakasagupa ang puwersa ng militar.

Marami umano ang napatay sa engkuwentro, kabilang ang walong bandido, ayon sa ulat.

Hindi pa rin batid ng mga opisyal ng 6th Infantry Division kung may casualty sa kanilang hanay dahil pumapasok pa lang ang mga mga ulat tungkol sa bakbakan habang isinusulat ang balitang ito.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Nangyari ang engkuwentro dakong 11:00 ng gabi noong Huwebes, ayon sa ulat sa radyo.

Sinabi ng lokal na sangay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na daan-daang residente ng Mamasapano at Shariff Aguak ang nagsilikas mula sa lugar ng engkuwentro upang hindi madamay.

Nangyari ang opensiba ng BIFF matapos ideklara ni Marj. Gen. Edmundo Pangilinan, pinuno ng 6th ID, na magpapatuloy ang operasyon ng militar laban sa mga bandido na kumikilos sa M’lang, North Cotabato at Ampatuan, Maguindanao.

Ito ay bunsod ng pamamaslang umano ng BIFF combatants sa siyam na sibilyan noong Disyembre 24 at 25 sa Esperanza, Sultan Kudarat; Pigkawayan, North Cotabato; at Ampatuan, na anim na sibilyan ang napatay. (Ali Macabalang)