Umabot na sa 40 tindahan ng mga paputok na nagkumpulan sa isang tiangge sa tapat ng White Plains Subdivision sa EDSA, Quezon City, ang dinarayo ngayon ng mga mamimili mula sa Metro Manila.
Sa panayam sa mga stall owner, tiniyak nila na nakakuha sila ng special permit mula sa Business Permit and License Office (BPLO) ng Quezon City Hall para makapagtinda ng mga paputok sa lugar.
Ayon sa mga may-ari ng tindahan, ang mga ibinebenta nila ay mga branded na paputok na dumaan sa mahigpit na pagsusuri ng Department of Trade and Industry (DTI).
Napag-alaman naman mula sa mga stall owner na hindi makakabili nang pira-piraso o tingi ang publiko para maiwasang makabili ng pekeng produkto ang mga ito.
Sa presyuhan , may mabibiling mga pambatang dancing dragons na P25 ang isang pakete, nasa P145 ang lusis, habang ang pinakamurang pailaw ay nasa P800.
Nagdudulot ng pagsisikip ng trapiko ang mga mamimili na ibinabalandra ang kanilang sasakyan sa tabi ng White Plains Avenue upang makabili ng paputok. (Jun Fabon)