Kung nais ng La Salle na maging title contender muli sa UAAP, kailangan muna nilang dumipensa.
Ito ang malinaw na ipinahiwatig ng kanilang bagong coach, ang dating mentor ng NCAA champion team Letran na si Aldin Ayo.
Ayon kay Ayo, napakalakas ng roster ng Green Archers na hawak niya ngayon, ngunit kung magagawa niya itong maging champion katulad ng ginawa niya sa Letran ay dapat na mabilis nilang matanggap ang ipatutupad niyang sistema.
Inaasahan naman ni Ayo na maipatutupad niya ang kanyang sistema na katulad ng sistemang ipinatupad niya sa Letran na naging susi upang matapos ang limang taong paghahari ng San Beda sa liga. Nagawa ni Ayo ang maging kampeon sa kabila ng pagkakaroon nila ng mas maliit at purong homegrown roster kumpara sa Red Lions.
Ayon pa sa dating Knights mentor, positibo naman ang kanyang nakikitang reaksiyon mula sa mga player ng La Salle sa mga naunang practice session magmula nang mag-take-over siya buhat sa nagbitiw na si dating Green Archers coach Juno Sauler.
“Very cooperative naman ’yung mga bata. Kita mo naman sa kanila na talagang gusto nilang makabawi. ” ani Ayo.
Inaasahan na lamang ni Ayo ang mabilis na adjustment nila ng kanyang bagong team sa isa’t-isa para maabot nila ang kanilang misyon na muling gawing championship contender ang La Salle sa darating na Season 79. (MARIVC AWITAN)