SA ating paggunita ng kamatayan ni Dr. Jose P. Rizal, ang kinikilalang Pambansang Bayani ng Pilipinas, minsan pa nating mauulinigan ang katanungan: Nasaan ang kabayanihan; sinu-sino ang mga bayani? Ang gayong pag-uusisa ay nakaangkla, marahil, sa paniniwala ng ilang sektor na wala pang pormal na proklamasyon o batas na nagpapahayag kung sino ang tunay na bayani ng bansa at kung sinu-sino ang maituturing na mga bayani.

Ang paglilinaw sa naturang isyu ay dapat magmula, marahil, sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Kung sino kina Rizal, Gat Andres Bonifacio at iba pang bayani ng lahing Pilipino, halimbawa, ang karapat-dapat kilalaning Pambansang Bayani. Si Rizal ay dinakila dahil sa kanyang pambihirang katalinuhan samantalang si Bonifacio ay hinangaan sa kanyang katapangan; ang iba pang bayani ay nagpamalas naman ng pagkamakabayan sa pagtatanggol ng ating kasarinlan.

Maaaring makasarili ang aking pananaw sa paghahanap ng kabayanihan sa ating magigiting na kababayan -- kabayanihang ipinamalas ng mga namatay at kadakilaang taglay ng mga nabubuhay pang mga bayani ng ating lahi. Ibig sabihin, ang kabayanihan nina Rizal, Bonifacio at iba pa na tulad nina Apolinario Mabini, Marcelo H. del Pilar, Heneral Antonio Luna at iba pa, ay nalantad lamang at pinahalagahan nang sila ay namatay na. Walang alinlangan na sila ay gumanap ng makabuluhang misyon nang sila ay buong-tapang na sumuong sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Sa kanilang pagmamalasakit sa kapakanan ng mga Pilipino, ang iba sa kanila, tulad ni Rizal, ay ipinapatay ng mga dayuhang Kastila; samantalang ang iba pa, tulad nina Bonifacio at Luna ay sinasabing pinapatay naman ng ating kapwa Pilipino.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ito ang kabayanihang nalantad lamang nang sila ay mamatay.

Ang iba pang mukha ng kabayanihan ay angkin ng milyun-milyon nating mga kapatid na overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng daigdig, karamihan ay sa Kingdom of Saudi Arabia. Sila ang tinaguriang mga buhay na bayani dahil sa kanilang mistulang pagpapaangat ng ekonomiya ng bansa; bilyun-bilyong dolyar ang kanilang ipinadadala na nagiging bahagi ng paglago ng ating gross national products (GNP). Marami pa tayong mga kababayang nagpamalas din ng kabayanihan sa larangan ng agrikultura, sa pagdamay sa mga biktima ng kalamidad at sa matapat na paglilingkod.

Ang kadakilaan ay masusumpungan sa mga namatay at nabubuhay pang mga bayani ng lahing Pilipino. (CELO LAGMAY)