Hangad ng Pilipinas na makasungkit ng world record sa fireworks display at target na burahin ang tatlong naitalang record para sa pinakamalaking fireworks display, pinakamahabang linya ng mga sinindihang pailaw, at pinakamaraming nakasinding pailaw, at sabay-sabay itong itatala sa Guinness Book of World Records sa pagsalubong ng bansa sa Bagong Taon sa Huwebes ng gabi.
Gagawin sa Ciudad de Victoria, ang tahanan ng Philippine Arena, ang fireworks display ay bahagi ng taunang dalawang-araw na New Year’s Eve event na magtatampok din sa mga pagtatanghal ng internationally acclaimed Pinoy artists na sina Arnel Pineda at Apl.De.Ap, at iba pang local talents sa Great Stairs ng Philippine Arena.
Sinabi ng mga organizer na dadalo sa okasyon ang mga kinatawan ng Guinness upang kumpirmahin ang resulta sa pagtatangka ng bansa na makapagtala ng bagong world record sa fireworks display.
Ayon kay Maligaya Development Corporation Chief Operating Officer Atty. GP Santos, iniimbitahan ang publiko na dumalo sa once-in-a-lifetime event na magsisimula sa Miyerkules, Disyembre 30.
“Bukod sa paghahangad natin na manalo ng mga bagong pagkilala para sa bansa, gusto rin nating magbigay ng alternative sa selebrasyon ng New Year kaysa ang karaniwang paggamit ng paputok at pagpapaputok ng baril, na parehong nauuwi sa serious injuries, at minsan pa nga, sa kamatayan,” sabi ni Santos.
Sinabi ni Santos na hindi lamang magiging ligtas ang selebrasyon ng Bagong Taon ng mga dadalo sa event, kundi magiging saksi pa sila sa pagtatala ng isang kasaysayan para sa bansa.
Bukod sa fireworks display at mga pagtatanghal, mag-e-enjoy din ang mga pamilya sa iba pang mga aktibidad at atraksiyon sa lugar, gaya ng isang mini zoo, carnival rides, inflatables, amusement games, magic shows, laser lights show, kite show, mascots, mga parade at tiangge. - Chito A. Chavez