Ni GILBERT ESPEÑA

Patutunayan ni Filipino amateur standout at WBO No. 4 contender Vic Saludar na handa na siyang maging kampeong pandaigdig sa paghamon sa walang talong si WBO minimumweight titlist Japanese Kosei Tanaka sa Enero 31 sa Aichi Prefectural Gym sa Nagoya, Japan.

Nagsanay ng husto si Saludar na may kartadang 11-1-0 win-loss-draw na may 9 panalo sa knockout laban kay Tanaka na may perpektong 5 panalo, 2 sa pamamagitan ng knockout.

Sa panayam ng Philboxing.com, iginiit ni Saludar na malaki ang pasasalamat niya sa ALA Promotions na naikuha siya ng world title fight sa Japan.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Para sa akin, malaking chance na ito. Ito na po ang pinakaimportanteng fight sa career ko, kasi ito ang dream ko at dahilan kung bakit nag-pro ako. Gusto ko po maging world champion,” ani Saludar. “Pagsisikapan kong mabigyan ng karangalan ang bayan ko dahil napakalaking bagay po kung manalo ako at ma-represent ang Pilipinas at maging pangalawang world champion ng ALA Promotions.”

Inamin ni Saludar na napanood na niya ang video ng laban ni Tanaka kaya sisikapin niyang matapatan ang husay ng Hapones.

“Mas focus po ako sa training ko ngayon kasi alam ko na ito ang pinakamalaking laban ko sa aking career. Kailangan ang ang adjustment para sa akin, mangyayari sa ibabaw ng ring,” diin ni Saludar. “Depende po ‘yun kung paano siya lalaban. Napag-usapan namin ng coach ko na dapat palagi akong naka-position sa harap niya para maging ready akong sumugod at mas madali ako makapag-adjust.”

Iginiit ni Saludar na mas malakas siyang sumuntok kaya pipilitin niyang patulugin si Tanaka.

“Sa napanood kong laban sa videos niya, medyo mahina yung mga suntok niya. Sa tingin namin, wala siyang masyadong power, so doon ako magpo-focus, babanatan ko po pagkakita ko ng opening. Ang dapat ko po namang bantayan ay ang suntok niya na bigla-biglaan din minsan,” dagdag ni Saludar. “Malaking chance po ito para sa akin. Sa boxing, hindi lahat nabibigyan ng pagkakataon na makipaglaban para sa isang world title. Alam ko magiging mas mabuti akong boxer pagkatapos ng experience na ito. Maraming salamat po sa lahat.”