Hiling pa rin ni Philippine Olympic Committee (POC) president Jose “Peping” Cojuangco at bumubuo ng sports sa bansa ngayong Kapaskuhan ang magkaroon ng isang bagong training center.

Tulad sa isang bata na humihiling kay Santa Claus ng isang regalo ngayong Pasko, ipinaalam muli ng 81-anyos na si Cojuangco sa hindi na mabilang na pagkakataon ang matinding pangangailangan para sa pinapangarap nito na makabuo na isang malaking pasilidad para sa pagsasanay ng mga pambansang atleta.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Una nang isinagawa ang pag-uusap para sa pagtatayo ng national training center sa loob ng dating Clark Air Base sa Pampanga subalit hindi nagkasundo ang mga namamahala sa Clark International Airport Corporation na agad na nagpabagsak sa unang habkang pa lamang para mabuo ang planong pasilidad.

Pinilit muli na makipagnegosasyon sa mga opisyales sa pasilidad ng Clark, Pampanga subalit lumitaw ang mga isyu tulad sa makukumpromiso ang operasyon ng Clark Airport at kuwestiyunable rin ang magiging renta sa lupain na itinakda sa P150-libo kada ektarya.

Gayunman, tila sirang plaka na paulit-ulit na sinabi ni Cojuangco na ang 50-ektaryang lupain sa loob ng Clark ang pinakamagandang lugar at pinakatugma ang kapaligirian para sa pagtatayo ng isang training center na tatayuan din ng dormitoryo para sa mga pambansang atleta.

Ipinaliwanag nito na nakasalalay sa pangarap na training center ang tagumpay ng mga Pilipinong atleta upang umangat sa internasyonal na torneo at mamayani sa mga prestihiyosong kompetisyon tulad sa Olympic Games.

Umapela rin si Cojuangco na gobyerno na sana ay mapagtanto nito na tanging ang Pilipinas na lamang sa buong rehiyon at mga bansa sa Southeast Asian na walang sariling training facilities.

Patuloy namang nakikipag-usap ang PSC katulong si Pampanga Congressman Joseller “Yeng” Guiao sa mga opisyales ng Clark na nagpasabi ng panibagong uri ng donasyon para sa lupain upang matuloy na at masimulan nang maitayo ang pasilidad. (ANGIE OREDO)