Naniniwala si Senator Grace Poe na magdedesisyon ang Supreme Court (SC) sa kanyang disqualification case batay sa mga ebidensiyang ihaharap ng kanyang kampo na binalewala ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Poe, umaasa siya na magiging pabor sa tunay na demokratikong eleksiyon, na nagpapahintulot sa mga pulot o “foundling” na kagaya niya na kumandidato sa mataas na posisyon, ang desisyon ng Korte Suprema kapag nakita nito ang ebidensiyang inihain ng kanyang kampo.
Sinabi ni Poe na sa kabila ng pagkansela ng Comelec sa kanyang certificate of candidacy (CoC) sa panahon ng bakasyon dahil sa Pasko, nagtitiwala siya na mabilis na aaksiyon ang kataas-taasang hukuman sa petisyong ihahain ng kanyang legal team.
Bukas, Disyembre 28, maghahain ng petisyon ang kampo ng senadora para kuwestiyunin ang naging hatol ng Comelec.
“Kumpiyansa kami na dahil sa may matibay kaming mga ebidensiya, at dahil na rin sa umiiral na mga nakalipas na desisyon at mahahalagang prinsipyo at batas, kakatig ang mga mahistrado sa aming ipinaglalaban at sa karapatan ng taumbayan para sa isang tunay na pagpili sa eleksiyon,” ani Poe.
Nakabakasyon ang Korte Suprema hanggang Enero 10, subalit sa ilalim ng Rule 7, Section 7 ng SC Internal Rules, may kapangyarihan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na umaksiyon sa “urgent cases” at mag-isyu ng mga temporary restraining order (TRO) o status quo ante order (SQAO) kahit na hindi magdaos ng sesyon ang mga mahistrado.
Gayunman, ang mga ganitong desisyon ay dapat na kumpirmahin ng mayorya ng mga mahistrado kapag nagsesyon sila sa Enero 11 para sa mga division, at Enero 12 naman para sa “full court.”
“Sinisuguro ko sa lahat na kandidato pa rin ako sa pagka-presidente. Ipaglaban natin ang tunay na demokratikong eleksiyon na pinahihintulutan ang mga Pilipino na mamili ng kanilang gusting leader. Ang ambisyon ng iilan ay hindi dapat payagan na ibahin ang kapasyahan ng nakararami,” paliwanag ni Poe. (LEONEL ABASOLA)