Apat na araw bago ang selebrasyon ng Bagong Taon, limang katao na ang tinamaan ng ligaw na bala sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa ulat ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, na napapanahon na upang amyendahan ng mga mambabatas ang batas hinggil sa ilegal na pagpapaputok ng baril na aniya’y nangangailangan ng mabigat na parusa upang matigil na ang indiscriminate firing tuwing Pasko at Bagong Taon.
Base sa record ng PNP, anim na insidente na ng tinamaan ng ligaw na bala ang naitala simula Disyembre 16, 2015 at limang katao na ang naiulat na nasugatan.
Ang mga pinakahuling kaso ay nangyari sa Ermita sa Maynila, na ang biktima ay nakilalang si Ronald Paguinto, 21, ng General Trias sa Cavite; bukod pa sa isa pang tinamaan ng ligaw na bala na si Ryan Aspa, 32 anyos.
Tinamaan si Paguinto ng bala sa likod habang nasa loob ng bahay, habang sa bukung-bukong naman tinamaan si Aspa, na nasa loob din ng bahay.
Ang pinakabatang biktima ay ang tatlong taong gulang na si Calsum Henio, na tinamaan ng ligaw na bala sa tiyan noong Disyembre habang sa loob ng kanilang bahay sa Sirawai, Zamboanga del Norte.
Ang pinakamatanda namang nabiktima ay isang 50-anyos na babae na nakilalang si Hawati Hanapi, na tinamaan sa kaliwang binti, sa Zamboanga City noong Disyembre 20.
Ang ikalimang biktima ay si Danilo Carpio, ng Bayambang, Pangasinan, na tinamaan ng ligaw na bala sa kaliwang binti.
Wala namang naiulat na naaresto ang pulisya hinggil sa mga insidente ng ilegal na pagpapaputok ng baril.
(AARON RECUENCO)