Inaasahang magsasama-sama ang libo kataong mahihilig sa zumba at aerobics bukas, Disyembre 27, Linggo, sa pagsasagawa ng panghuling aktibidad sa taon ng inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) na Laro’t-Saya sa Parke na pagalingan sa Zumbathon sa Burnham Green ng Luneta Park.

Sinabi ni PSC Research and Planning head Dr. Lauro Domingo Jr. na mahigit na sa 900 katao ang nagpapalista para sa culminating activity ng programa na iniendorso mismo ng Palasyo ng Malakanyang para sa pisikal na aktiibidad at bonding ng mga miyembro ng pamilya, kabataan at maging senior citizens.

“Hindi lang zumbathon ang ating final activity for the year, meron din tayong mini-tournament para sa volleyball, football at chess,” sabi ni Domingo Jr. ukol sa grassroots sports development program na brainchild ni PSC Chairman Richie Garcia habang project director si PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr.

Inimbitahan din ang mahuhusay na mga tagasuporta ng zumba sa pinaggaganapang lugar ng Laro’t-Saya na San Juan, Paranaque, Quezon City circle at maging sa Imus at Kawit sa Cavite upang makipagtagisan sa mga madalas dumalo sa kada Sabado at Linggo na programa.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“We are expecting to breach last year’s total number of participants dahil meron pa tayong onsite registration, una na tayong nagstart ng registration sa ating Facebook page natin at iyung mga maagang nagparegister na last week sa ating Laro’t-Saya,” sabi pa ni Domingo Jr.

Ang PSC Laro’t-Saya PLAY ‘N LEARN ay libreng inoorganisa ng PSC tuwing Sabado at Linggo ng umaga kung saan itinuturo ang iba’t-ibang sports para sa kasiyahan ng iba’t-ibang komunidad para sa family bonding, physical fitness at social activity.

Paglalabanan sa zumbathon ang dalawang age categories na para sa 18-40 years old at 41-55 years old. Nakataya ang premyo sa Top 5 sa male at female division kung saan ang kampeon ay may P2,000; ang ikalawa ay P1,500 at ikatlo ay P1,000 ang premyo. Mayroon din P500 sa ikaapat at ikalima sa dalawang dibisyon.

Bibigyan din ng P500 premyo ang mapipili sa Special Awards na Best in Costume at Wackiest Dancer habang may ipapamigay din na 50 raffle prizes.

Hindi na din isinali ang mga zumba/aerobics instructors sa mga hotel gyms at kasama sa Luneta, Quezon City circle, PICC Complex at iba pang lokasyon na nagsasagawa ng mga aktibidad. - Angie Oredo