Pumanaw na si dating men’s national basketball team at San Miguel Beer coach Ron Jacobs nitong Disyembre 24 dakong 8:30 ng gabi sa edad na 72.
Ang malungkot na balita ay inanunsiyo ng sports columnist at malapit na kaibigan ni Jacobs na si Quinito Henson.
Si Jacobs ay binawian ng buhay sa Makati Medical Center dahil sa malubha nitong karamdaman na matagal na niyang iniinda.
Malaki ang naging partisipasyon ni Jacobs sa bansa sa pagtatag ng pangalan sa iba’t ibang court sa labas ng bansa nang siya ay maging coach ng national team mula 1982 hanggang 1986.
Ang dating Loyola Marymount coach ay mahigit 13 taong nakaratay sanhi ng karamdaman matapos ma-stroke noong 2002 sa kasagsagan ng preparasyon sa national team na sasabak noon sa Busan Asian Games sa South Korea.
Kabilang sa hindi malilimutang tagumpay na inihatid ni Jacobs para sa bansa ay nang gabayan niya ang Northern Cement Consolidated team na binubuo nina Hector Calma, Allan Caidic, Samboy Lim, Yves Dignadice at mga Amerikanong sina Chip Engelland, Jeff Moore at Dennis Still sa 1985 Asian Basketball Confederation Men’s Championships na mas kilala ngayon bilang FIBA-Asia Championships sa Kuala Lumpur. Ito ang pinakahuling pagkakataon na nagkampeon ang Pilipinas sa naturang torneo.
Nagpunta ng Pilipinas ang produktong ito ng University of Southern California nang kunin siyang headcoach ng national team ni dating Philippine basketball project director na si Danding Cojuangco. - Marivic Awitan