Aabot sa 20 pamilya ang malungkot na nagdiwang ng Pasko matapos masunog ang kanilang bahay sa Tondo, Manila, kahapon ng hapon.
Nagsimula ang sunog sa 404 Nepomuceno St., Tondo, Manila at agad na kumalat ang apoy sa residential area sa likuran ng isang bodega sa Tondo complex dakong 1:33 ng hapon.
Sinisi ng mga residente ang mabilis na pagkalat ng apoy sa kabiguan ng mga firetruck na makapasok sa lugar dahil sa makipot na bukanan sa pasilidad.
Gumamit pa ng acetylene ang mga bumbero upang pasabugin ang isang pintuan para makapasok sila sa bodega at bombahin ito ng tubig.
Sinabi ni Senior Fire Insp. Marvin Carboneel na nagdeklara sila ng fire under control dakong 2:00 ng hapon.
Lumitaw din sa imbestigasyon na nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng isang “Boy Reyes.”
Ayon sa isang residente na tumangging magpabanggit ng pangalan, sarado ang lugar na nasunog subalit ito ay pinasok ng mga squatter kung saan sila nagtayo ng kani-kanilang bahay nitong mga nakaraang taon.
Naganap din ang sunog isang araw matapos inalerto ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) laban sa mga insidente at iba pang kalamidad ngayong holiday season. - Jennifer F. Manongdo