NIYANIG ng kontrobersiya ang Miss Universe 2015 pageant. Magtatapos na ito nang mangyari ang ‘di inaasahang pagkakamali. Pagkatapos ihayag ng host na si Steve Harvey na si Miss USA ang second runner-up ay naiwan sa gitna ng entablado sina Miss Philippines at Miss Colombia. Isa sa kanila ang tatanghaling Miss Universe 2015 pagkatapos maihayag ang first runner-up. Nang ianunsiyo ni Harvey na ang first runner-up ay si Miss Philippines, humiwalay ito kay Miss Columbia at nagtungo na sa tabi ni Miss USA.
Ang problema, kapapatong pa lamang ng korona kay Miss Colombia bilang Miss Universe 2015 nang bumalik sa entablado si Harvey at amining siya ay nagkamali. Ang first runner-up pala ay si Miss Colombia at si Miss Philippines ang tunay na Miss Universe 2015. Nagkamali umano siya ng pagbasa sa winners’ card at ilang ulit niyang ipinakita ang laman nito sa television camera.
Magkahalong emosyon ang naramdaman ni Miss Philippines Pia Alonzo Wurtzback sa nangyaring pagkakamali. “Masaya ako nang sabihin ako ang nanalo,” wika niya. “Pero pagkabahala naman para kay Miss Colombia.” Nais niya raw itong lapitan pero umiiyak na ito at napapaligiran na ng mga kapwa nila kandidata. Baka hindi raw magandang gawin niya ito sa oras na iyon.
“Honest mistake ang nangyari,“ sabi niya. Hindi raw ito sinasadya. Hindi raw niya inagaw ang korona kay Miss Colombia. Sana aniya, maintindihan ito ng mga taga-Latin America na hindi niya kasalanan ang nangyari. Pero, maliwanag naman ang nakasulat na resulta sa card. Ang first runner-up ay nakasulat sa ilalim ng Miss Colombia, bakit tinawag ni Harvey ang Miss Philippines? Ganito rin ang porma ng pagkakasulat sa second runner-up, nasa ilalim ito ng Miss USA kaya hindi siya nagkamali ng pagtawag sa Miss USA na second runner-up.
Para sa akin, ang Miss Universe contest ay isa ring uri ng showbiz. Para rin itong pelikula at pulitika. Pandaigdigang kumpetisyon na isinasagawa taun-taon. Rumarampa ang pinakamagandang babae na magsisilbing representante ng bawat bansa para makita ng lahat, partikular na ng mga hurado, upang mapagpasiyahan kung aling bansa ang magwawagi. Gaya ng pelikula, pinagkakakitaan ito. Kung maraming tumatangkilik, malaki ang kita. Tingnan ninyo ang naging epekto ng ginawa ni Harvey, naging usap-usapan na ito sa buong daigdig. Hindi matapus-tapos, hanggang ngayon, ang tungkol sa pag-amin ni Harvey ng kanyang pagkakamali. Tumindi ang interes ng buong mundo kahit ito ay nililigalig ng kaliwa’t kanang digmaan, patayan at kaguluhan.