Jericho Rosales
Jericho Rosales
MARAMI ang napaiyak sa advance screening ng #Walang Forever (Quantum Films) nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado sa Directors Club, SM Megamall noong Martes dahil ang sakit-sakit ng nangyari sa love story ng dalawang bida.

‘Kaloka, akala kasi namin ay light drama lang ang #Walang Forever, iyon pala heavy drama na talagang ikinaloka ng lahat ng nakapanood. Hindi namin ini-expect na magaling din pala sa drama si Direk Dan Villegas, kasi ang alam namin ay romantic comedy ang forte niya katulad ng girlfriend niyang si Direk Antoinette Jadaone.

Bagamat si Direk Tonet ang in-charge sa creative side ng #Walang Forever ay si Direk Dan naman ang nag-execute na ang masasabi na lang namin ay ‘bow.’

Isinulat namin kamakailan na sure winner na si John Lloyd Cruz bilang Best Actor sa Metro Manila Film Festival Awards Night dahil sa napakahusay ng pagkakaganap niya sa Honor Thy Father (Reality Entetainment).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Hindi pala ganoon kadali dahil malaki ang laban ni Jericho bilang si Ethan na may taning na ang buhay at pilit na iniwan ang babaeng pinakamamahal na si Mia (Jennylyn) para hindi mag-suffer kapag nagkatuluyan sila.

Ipinakita kung paano nagligawan ang dalawa, paano naghiwalay, paano nagkabalikan at paano muling naghiwalay, at sa huli ay ipinaglaban nila ang kanilang pagmamahalan, pero totoo nga, walang forever. Pero mayroong lifetime.

Oo nga, ‘no, tama naman si Direk Tonet, wala talagang forever sa isang relasyon kasi eventually, magkakahiwalay din sa huli.

Hindi na makukuwestiyon na magaling talaga sa drama si Echo, pero exciting pa rin siyang panoorin dahil kaabang-abang kung paano niya ii-execute ang role niya. At dito mahusay si Echo dahil may paraan siyang kanyang-kanya lang kung paano niya gagampanan ang isang karakter. Kaya tama lang talaga na binalikan niya ang pag-arte kaysa sa pagkanta-kanta.

Natawa si Echo sabay sabing, “Hoy, ‘wag ka nang maingay” nang banggitin namin sa kanya na, ‘Nakita ko na ‘yung mga ginawa mong paglalambing kay Jen noon.”

Totoong nakita na namin off-camera ang mga eksenang nagpapapansin si Ethan kay Mia na abalang-abala sa laptop nito. “Eh, kasi sabi ni Direk, bumalik daw ako sa nakaraan ko, ibalik ko daw kung paano ako nu’ng bagets ako, so inisip ko, at iyon nga.”

Nagkatawanan kami ni Jericho dahil kami lang ang nakaaalam kung sino sa ex-girlfriends niya ang ginawan niya ng ganoon.

Perfect ang lahat ng shots, anggulo, istorya at pati na ang iilang eksena ni “Manang’ na kinakapatid ni Jericho na super chubby at aliw dahil ang ganda ng mga linya.

As always, ramdam na ramdam pa rin ang presence ni Ms. Lorna Tolentino bilang nanay ni Jennylyn kahit iilan lang ang eksena.

Halos lahat ng artistang support sa On The Wings of Love ay may mga eksena rin, pati si kulot na bestfriend ni Coco Martin sa Ang Probinsiyano.

Binawasan ba ang eksena ni Nico Antonio dahil parang isa lang at sandali pa?

Anyway, wala ngang kumpetisyon ang #Walang Forever at ang All You Need is Pag-Ibig dahil napakalayo ng mga kuwento, kaya siguro tinanggap pareho nina Direk Dan at Tonet. --Reggee Bonoan