Matapos bumulusok sa iba’t ibang survey nang idiin sa umano’y maaanomalyang proyekto, bumawi si Vice President Jejomar Binay sa huling survey ng Pulse Asia, makaraan niyang mabawi ang number one slot sa hanay ng mga presidentiable sa 2016 elections.
Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, may posibilidad na si Binay ang maihahalal na pangulo ng bansa sa 2016, ayon sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Disyembre 4-11 at sinagot ng 1,800 respondent.
Ang survey ay “non-commissioned” na nangangahulugan na walang grupo ang kumuha ng serbisyo at nagpondo sa survey group at ito ay sariling inisyatibo ng Pulse Asia.
Lumitaw sa nationwide survey na 33 porsiyento ng mga Pinoy ang boboto kay Binay bilang susunod na pangulo, naungusan si Sen. Grace Poe na dating nangunguna sa survey ng mga presidentiable.
Ito ang unang pagkakataon na nakabangon ang ikalawang pangulo matapos bumulusok sa nakaraang dalawang magkasunod na quarter survey ng Pulse Asia.
Kapwa nasa ikalawang posisyon sina Davao City Mayor Rodrigo Duterte (23 porsiyento mula 16 porsiyento) at Poe (21 porsiyento mula 26 porsiyento), dahil sa margin of error na +/-3 para sa national percentage.
Samantala, pumuwesto sa pangatlo si dating Interior and Local Government secretary at ngayo’y Liberal Party standard bearer Mar Roxas na nakakuha ng 17 porsiyento mula sa 20 porsiyento habang nakakuha ng apat na porsiyento si Sen. Miriam Defensor-Santiago. (ELLALYN B. DE VERA)