Disyembre 28, 1895 nang idaos ng magkapatid na Louis at Auguste Lumiere ang unang commercial movie screening sa mundo, sa Grand Café sa Paris, France, at sa unang pagkakataon ay naningil ng admission fees. Nagpalabas ang magkapatid ng maiikling eksena na naglalarawan sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pranses.
Inilunsad ng magkapatid na Lumiere ang kanilang imbensiyon, isang camera-projector na tinatawag na Cinematographe, noong Marso 1895. Sa pamamagitan ng imbensiyon, na pagsasama ng isang camera at isang projector, napanood ng publiko ang mga gumagalaw na imahe sa isang screen.
Noong 1894, napahanga ang ama ng magkapatid, si Antoine Lumiere, nang makita niya kung paano gumagana ang Kinetoscope ni Thomas Edison. Ngunit sinabi ni Antoine sa kanyang mga anak na maaari silang gumamit ng mas pulido pa rito.
Nagbukas ang magkapatid na Lumiere ng iba’t ibang sinehan noong 1896 upang isapubliko ang kanilang imbensiyon.
Noong 1830s, nagsimula ang teknolohiya sa pelikula nang gumamit sina Joseph Plateau at Simon Stampfer ng phenakistoscope, na gumagamit ng umiikot na disc na may mga slot.