Hindi pa rin maubus-ubos ang mga kontrabando sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City matapos na muling makakumpiska ang Bureau of Corrections (BuCor) ng mga ipinagbabawal na appliances, gadgets, patalim at drug paraphernalia sa ikasiyam na “Oplan Galugad” sa medium security compound o Camp Sampaguita, kahapon.

Pinangunahan mismo nina BuCor Director Retired Lt. General Ricardo Rainier Cruz III at NBP Superintendent Richard Schwarzkopf ang operasyon ng raiding team sa Camp Sampaguita, at sinuyod ang lahat ng selda, hardin ng gusali at visiting halls pasado 5:00 ng umaga kahapon.

Nadiskubre nina Cruz at Schwarzkopf ang ilang appliances sa mga selda na umano’y hiniram mula sa BuCor personnel na unang hiniling ng mga ito bilang personal nilang gamit, kaya malinaw na may sabwatan ang ilang bilanggo at prison officials.

Isang 54-anyos na bilanggo ang umamin na bumili siya ng cellphone sa halagang P300 at ng tablet na nagkakahalaga ng P800 sa loob ng NBP upang magamit nito sa libangan at makausap ang kanyang pamilya.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Masusing iniimbestigahan ng dalawang opisyal kung sino ang responsable sa paglilipat ng mga kontrabando mula sa tanggapan ng BuCor patungo sa mga selda.

Noong Disyembre 8, anim na prison guard ang isinailalim sa imbestigasyon makaraang makumpiskahan ng mga kontrabando sa gitna ng operasyon ng BuCor personnel.

Nabatid na nahaharap sa preventive suspension at kasong administratibo ang nabanggit na anim na prison guard.

(BELLA GAMOTEA)