KUNG si Sen. Grace Poe ay minalas at nakaka-strike 2 na sa kasong diskuwalipikasyon na inihain sa Commission on Election (Comelec), buwenas naman si Davao City Mayor Rodrigo Duterte dahil siya ay naka-score sa round one sa botong 6-1 upang tanggapin ang bilang kapalit ni PDP-Laban ni Martin Diño. Kumbaga sa golf, parang naka-hole in one ang machong alkalde. O kaya naman sa boksing ay naka-knock-out siya sa unang round pa lang.
Si Diño, na opisyal ng Vigilance Against Crime and Corruption at NCR PDP-Laban Secretary General, ay naghain ng kanyang certificate of candidacy (CoC) bilang alkalde ng Pasay City at hindi bilang pangulo. Maliwanag na ito ay mali at depektibo. Nakapagtatakang tinanggap ng Comelec ang CoC ni Digong at ipinasiyang “honest mistake” ang entry ni Diño sa kanyang CoC.
Kung gayon, dapat ding ikonsidera at tanggapin ng Comelec na isa umanong “honest mistake” ang entry ni Sen. Poe sa kanyang 2013 CoC nang siya’y tumakbo bilang senador nang isulat niya na sapul noong 2006 pa siya nagsimulang manirahan sa Pilipinas. Kinukuwestiyon kasi nina defeated senatorial bet Rizalito David, ex-Sen. Kit Tatad, ex-UE dean of law Amado Valedz, ex-GSIS counsel Estrella Elamparo at Prof. Antonio Contreras, ang residency at pagiging natural-born Filipino citizen ni Poe. Ayon kay Grace, siya ay nanirahan na sa bansa noon pang 2005 at nagsimulang umuwi nang mamatay ang kanyang ama na si Fernando Poe Jr. noong 2014.
Ang payo nga ni ex-Pres. Fidel V. Ramos ay hayaan ng Comelec na kumandidato sina Poe at Duterte at pabayaang ang taumbayan ang pumili at magpasiya kung sino ang gusto nilang maging pangulo ng bansa sa 2016. Sa isang kapihan/balitaan, pinuna ni FVR sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at Mayor Duterte na parang mga sanggano na naghahamunan ng sampalan, suntukan, at gun duel. Ano nga bang uri sila ng mga kandidato sa pinakamataas na puwesto ng bansa? Sila ba ay mga gunslinger na tulad ng mga gumanap sa Hollywood movie na OK Corral o ng iba pang western movies na barilan nang barilan?
Talaga bang hindi na matitigil ang TALABA (Tanim-Laglag-Bala) modus sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA)?
Bakit kanyo? Mismong ang pamangking babae ni Sen. Tatad na si Rosanna Tatad, 31, ang huling biktima ng tanim-bala nang siya’y pigilin sa pagsakay sa eroplano matapos umanong makatagpo ng bala sa kanyang shoulder bag noong Disyembre 13. Bukod sa kanya, isang Amerikano at isang 74-anyos na lola ang biktima rin ng nasabing modus.
Ito kayang TALABA ay isang extortion racket sa NAIA? O kaya nama’y sinasadya ng airport personnel upang palitawin na talagang may mga nagdadala ng isa o dalawang bala sa kanilang bagahe? O baka naman ang ganitong sistema/modus ay isang sabotahe sa PNoy administration upang bumalandra ito sa kanyang anointed one na si Roxas para matalo?
(BERT DE GUZMAN)