Urdaneta City Hall copy

NAGING agaw-pansin sa publiko ang makukulay at maningning na mga parol sa city hall ng Urdaneta araw-araw na darayo ng mga lokal na turista.

Namangha ang mga bisitang dumayo sa nasasaksihang “Maningning na Belen at Parol” na ikadalawang taon na ngayon.

Tampok sa Maningning na Belen at Parol ngayon, na nilahukan ng 34 barangay, ang paggamit ng recycle materials at lokal na produkto ng lungsod.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Naging inisyatibo ni Mayor Amadeo “Bobom” Perez IV na gawing kapaki-pakinabang ang mga basura sa halip na itapon sa landfill.

Sentro ng kalakalan sa Pangasinan ang Urdaneta City kaya dinadagsa ng maraming negosyante at maging ng ibang LGU ng mga kalapit na probinsiya dahil sa pagiging malinis na nais ding gayahin.

Ilang beses nang nakamit ng Urdaneta City ang parangal bilang cleanest city sa buong bansa at nagsisilbing halimbawa sa paggamit ng recycle materials, katunayan na ang mga tao rito ay disiplinado sa kalinisan dahil maging ang basura ay ginagawa pang kapaki-pakinabang.

Ang mga basura tulad ng lumang sapatos at suwelas ay nakamamangha na nagiging magandang parol, ganoon din ang mga plastic bottle ng cleaning o bleaching liquids, disposable fork and spoons, cups at baso. Ang ipil-ipil, mahogany, coconut husk, by-products ng mais, tansan ng softdrink at lahat ng inaakala nating pawang basura na lang ay napakinabangan ang lahat.

Ipinapatanto lamang ng mga taga-Urdaneta na puwedeng sumaya ang bawat Pilipino, at mahirap man ay makakagawa pa rin ng magandang parol at Belen gamit ang mga bagay na inaakala nating basura na.

Samantala, ang tatlo sa pinakamagagandang presentasyon ng parol at belen ay tumanggap ng pabuyang cash na P20,000, P15,000 at 10,000 nitong nakaraang Disyembre 13.

Ang Maningning na Parol at Belen ay naka-display sa Urdaneta City Hall hanggang Disyembre 13 at pagkatapos ay dinala na sa mga barangay upang magbigay kasiyahan sa kani-kanilang mga nasasakupan. (Liezle Basa Iñigo)