NASA limbo nga ba o alanganin ang presidential bids nina Sen. Grace Poe (ang pulot) at Davao City Mayor Rodrigo Duterte (the punisher)? Nasa ganitong sitwasyon ngayon (habang sinusulat ko ito) ang dalawang pangunahing kandidato sa pagkapangulo bunsod ng mga kasong diskuwalipikasyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec) ng ilang indibiwal na ayaw sa sino man sa kanila ang maging pangulo ng bansa.

Sinabi ni Comelec chairman Andres Bautista na patuloy ang kanilang deliberasyon sa mga disqualification (DQ) case nina Sen. Grace at Mayor Duterte. Idinagdag ni Mang Andres na hindi pa niya tiyakang masasabi kung kailan nila ilalabas ang kanilang desisyon o resolusyon hinggil sa mga kaso. Bakit Mang Andres? Bakit hindi pa ninyo ilabas agad ang desisyon upang mapawi na ang nerbiyos ni Amazing Grace at tigilan na ni Mayor Digong ang pagmumura?

Sa huli kong kolum, pinamagatan ko itong “Sampalan Blues” dahil noon ay naging viral ang hamunang sampalan nina Mar Roxas at Digong Duterte. Pagkatapos nito ay lalong nagkainitan dahil ipinipilit ng machong alkalde na si Roxas ay hindi tunay nagtapos sa Wharton School of Economics sa Pennsylvania. Hinamon ng suntukan ng ginoo ni Korina si Mang Digong dahil ang sampalan daw ay pambabae.

Kumasa naman si Macho man at sinabing pupuntahan daw niya si Mar Roxas sa kanyang bahay sa Quezon City upang doon idaos ang suntukan. Tugon ni Roxas: “Sige, hihintayin kita rito sa bahay ko.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sabad naman ng kaibigan kong senior-jogger: “Sa Araneta coliseum na lang sana gawin ang suntukan ng dalawa”. Si Digong ay 70-anyos samantalang si Roxas ay nasa kanyang 50s. Marunong kaya mag-boxing o kailangan nila ng tulong ni Manny Pacquiao o Nonito Donaire Jr.?

Sa isang panayam, nagbago ng isip si Digong. Ayaw na raw niya ng suntukan dahil kumonsulta siya sa kanyang doktor at sinabing delikado ang suntukan dahil siya ay may “mumps” o beke at baka raw tamaan. ‘Di ba ninyo napapansin ang mannerism ng alkalde, laging nakalagay ang kanyang mga daliri sa kanyang baba?

Sa bandang huli, nakapag-isip-isip yata si Duterte at hinamon si Roxas at sinabing “Magduwelo na lang tayo.

Magbarilan.” Taktika ito ng alkalde dahil takot daw mamatay ang mga mayayaman tulad ni Mar. Anyway, mismong si Mayor Digong ang umamin na baka hindi siya tumagal ng anim na taon sakaling siya ay mahalal na pangulo dahil siya ay matanda na.

Buwenas kung sakali ang mananalong vice president! (BERT DE GUZMAN)