Tumaas sa 24 ang iniulat na namatay sa paghagupit ng bagyong ‘Nona’ sa Samar, Bicol at Southern Tagalog.

Iniulat na 12 ang nasawi sa bagyo sa MIMAROPA o Region 4-B, walo sa Region 8, at apat sa Region 5 (Bicol).

Sinabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-4-B, na 12 ang namatay sa rehiyon dahil sa bagyo.

Ayon kay Tolentino, ang mga nasawi ay nadaganan ng puno, nabagsakan ng pader, habang nalunod naman ang iba pa.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sinabi pa ni Tolentino na halos naapektuhan ng Nona ang buong rehiyon, bagamat wala pa ring supply ng kuryente sa buong Region 4-B.

Sa Northern Samar, walo ang iniulat na namatay sa pananalasa ng bagyo, at apat na mangingisda ang natagpuang patay sa Sorsogon.

Samantala, batay sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 109,065 bahay ang nasira ng bagyo sa Regions 4-A at 4-B, at 13,330 ang nawasak, habang partially damaged naman ang 95,735.

Mahigit P320,000 naman ang halaga ng napinsala sa sektor ng agrikultura at imprastruktura sa Regions 4-B, 5, at 8.

(FER TABOY)