WALANG duda na lumagapak sa pinakamababang antas ang sistema ng pangangampanya sa ‘Pinas. Pinatunayan ito ng mga kandidato sa panguluhan nang sila ay nagpatutsadahan at nagbangayan. Hindi ba ang ganitong asal ay gawain lamang ng mga may “batang-isip”?

Kapwa nanggagalaiti sina dating DILG Secretary Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte, parehong presidential bet, nang sila ay naghamunan ng sampalan at suntukan; hindi malabo na ito ay mauwi sa barilan at iba pang marahas na eksena. Huwag naman sana. Hindi ko lubusang maisip kung bakit humantong sa ganitong sitwasyon ang pangangampanya na labis na ikinadismaya ng sambayanan. Hindi lamang sila matalik na magkaibigan kundi kapwa pa sila itinuturing na mararangal na lingkod ng bayan. Kapwa nagtapos ng pag-aaral sa mga prestihiyosong unibersidad. Si Roxas ay sa Pennsylvania University at si Duterte ay sa San Beda College. Hindi ito halalan ng organisasyon ng mga barker na nagtatawag ng mga pasahero ng jeep at bus.

Isa pa, pareho silang sumasabak sa panguluhan ng bansa, isang puwesto na nangangailangan ng matapat at kagalang-galang na liderato na dapat ikarangal at tingalain ng mamamayan. Mga lider na may huwarang pag-uugali at walang bahid ng imoralidad.

Maliwanag na ang iba pang presidential bets, sina Vice President Jejomar Binay, Senador Miriam Santiago at Rep. Roy Señeres, ay nakamasid lamang sa pagbabangayan nina Roxas at Duterte. Tularan kaya nila ang gayong mga eksena? O, sila kaya ay naging biktima na rin ng nakadidismayang pamimintas at pagbubulgar ng mga katiwaliang ibinibintang sa kanila?

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Kung sabagay, ang ganitong nakaririmarim na sistema ng pangangampanya ay hindi na bago sa atin. Talamak na ito sa mga lalawigan at bayan. Isang kandidato sa pagka-alkalde ang nagtutungayaw sa entablado: Huwag ninyong iboto ang aking kalaban na babaero na nga, nang-aagaw pa ng asawa, at lahi ng magnanakaw ng kalabaw.

Ang dapat masaksihan ng sambayanan ay matapat na labanan at paglalahad ng mga plataporma na may lohika; mga plano na magbibigay ng oportunidad tungo sa mabuting pamumuhay; isang kagalang-galang na pamamahala na magpapaangat ng ekonomiya ng ating bansa. Mga barometro ito sa pagpili ng matinong presidente. (CELO LAGMAY)