Muling ipinagpaliban ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdedesisyon sa disqualification case na kinakaharap ng presidential aspirant na si Senator Grace Poe.
Matatandaang una nang kinansela ng Comelec Second Division ang certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo na inihain ni Poe dahil sa kakulangan sa residency requirement, na ang ginamit na basehan ay ang mismong CoC na inihain ng senadora nang kumandidato itong senador noong 2013.
Nakaapela na sa Comelec en banc ang naturang desisyon ng 2nd Division ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito nadedesisyunan.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, hindi nila natalakay ang apela ni Poe sa idinaos na regular en banc session nitong Martes.
Nakatakda, aniya, silang magpulong muli hinggil dito.
Tiniyak naman ni Bautista na nakahanda na ang kani-kanilang opinyon sa kaso.
Sinabi rin niya na hindi nila iko-consolidate ang mga kaso laban kay Poe at magkakahiwalay na tatalakayin ang mga apela nito.
Bukod sa pagkansela ng Second Division sa kanyang CoC, una nang diniskuwalipika si Poe ng Comelec First Division dahil sa kakulangan ng residency requirement. (Mary Ann Santiago)