“Hindi mo dapat gamitin ang pulisya sa salvaging.”

Ito ang huling patutsada ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa kanyang katunggali sa pagkapangulo sa 2016 elections na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa umiinit na bangayan ng dalawa.

“Ang pulis ay tagapagtanggol ng mga mamamayan. Hindi sila hitmen,” pahayag ni Roxas nang hingan ng komento hinggil sa reputasyon ni Duterte na pagiging matigas laban sa mga kriminal.

“Hindi dapat sila (pulisya) gamitin sa karahasan laban sa mga mamamayan,” dagdag niya.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sumikat si Duterte sa kanyang mga “mala-sangganong pahayag” laban sa mga kriminal, kabilang ang kanyang pag-amin sa pagkakasangkot sa pagpatay sa isang grupo ng kidnapper sa Davao City.

Kapag naupo sa Malacañang, nangako si Duterte na uubusin niya ang mga kriminal sa bansa bukod pa sa susugpuin niya ang kurapsiyon sa gobyerno.

“Ang ganyang mentalidad sa karahasan ay hindi uubra sa ating lipunan,” ani Roxas.

Inihalintulad ng dating kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa panahon ng batas militar ang taktika ni Duterte laban sa mga kriminal. (Aaron Recuenco)