Isang drug personality ang namatay at dalawa niyang kasamahan ang nasugatan sa engkuwentro sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa anti-illegal drug operation sa Pasay City, nitong Linggo ng gabi.

Patay na nang dumating sa San Juan De Dios Hospital si Dario Cuenca, 49, ng Libra Street, Barangay Dita, Santa Rosa, Laguna, sa tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sugatan namang isinugod sa naturang pagamutan ang dalawang kasama ni Cuenca na sina Bryan Marcelo, 41, ng San Pablo City, Laguna; at Jeoffrey Magaspac, 48, ng Bgy. Balibago, Santa Rosa, Laguna, makaraang magtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan.

Sa pagsisiyasat ni SPO3 Joel Landicho, dakong 7:00 ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal drugs operation ang NBI, sa pamumuno ni Atty. Jerome Bomidiano, laban sa mga suspek sa kanto ng Marina Way at Seaside Boulevard sa SM Mall of Asia Complex.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Lumitaw na sakay ang tatlong suspek sa isang silver Hyundai Accent (AAV-8780) nang matunugan ang operasyon ng NBI agent na lulan sa itim na Toyota Fortuner (WSI-890).

Unang nagpaputok ang grupo ng suspek na ginantihan ng mga tauhan ng NBI, hanggang napuruhan si Cuenca at nasugatan ang dalawa nitong kasamahan.

Narekober ng awtoridad sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu, isang .45 caliber pistol, mga ID, at iba’t ibang dokumento na nasa loob naman ng sasakyan ng mga suspek.

Nakalagak ang labi ni Cuenca sa Rizal Funeral Homes habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)