Aabot sa 11 katao ang nasugatan makaraang ihagis ng isang hindi kilalang lalaki ang isang granada sa isang mataong lugar nang maburyong dahil hindi mahanap ang kanyang kaibigan sa Camarin, Caloocan City, kahapon ng umaga.

Sinabi ng pulisya na naglalaro ng bilyar ang mga biktima sa Sampaloc Street, Basilio 5, nang dumating ang isang alyas “Kabeb” sa lugar dakong 1:00 ng umaga.

Subalit matapos ang ilang saglit ay biglang nawala na parang bula si Kabeb.

Matapos ang ilang minute, dumating naman ang isang alyas “Kokoy” sa lugar at hinahanap si Kabeb na umano’y sangkot sa isang insidente ng pambubugbog kamakailan.

National

32 katao naitalang naputukan; FWRI cases sa bansa, pumalo na sa 101!

At nang hindi mahanap si Kabeb, inihagis umano ni Kokoy ang isang granada na sumabog sa lugar, na maraming nanonood ng laro sa bilyar.

Kabilang sa mga nasugatan ang isang 11-anyos na lalaki na hindi pinangalanan ng pulisya.

Isinugod ang mga sugatan sa Tala General Hospital matapos ang insidente.

Hanggang sa isinusulat ang balitang ito, sinabi ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, Caloocan City Police chief, na apat na bahay na ang kanilang hinalughog sa paghahanap sa salarin subalit hindi pa rin nila ito natagpuan.

(Ed Mahilum)