Si Supreme Court (SC) Associate Justice Mario Victor Leonen ang itinalagang ponente o justice na magbabalangkas ng majority decision sa disqualification case na inihain laban kay Senator Grace Poe-Llamanzares.
Matapos ang raffle noong Huwebes, napunta kay Leonen ang petition for certiorari na inihain ni Rizalito David laban sa Senate Electoral Tribunal (SET) at kay Poe.
Napakahalaga ni Leonen, bilang ponente sa kaso ni Poe, dahil siya ang aatasang mag-aral at magsusulat ng recommendation at draft ng majority decision sa kaso.
Bago nito, ang petisyon ni David na i-disqualify si Poe bilang senador sa 2013 elections ay dinesisyunan pabor kay Poe sa SET sa botong 5-4. Gayunman, inapela ng petitioner ang desisyon sa SC.
Sa petition for certiorari, tinuligsa ni David ang desisyon ng SET na nagdedeklara kay Poe bilang natural-born Filipino “despite the absence of proof of blood ties to a Filipino father or mother.”
Iginiit ni David na nakagawa ng grave abuse of discretion ang karamihan ng mga miyembro ng SET sa pagdedeklarang natural-born Filipino citizen si Poe.
Hiniling niya sa SC na baligtarin at ideklarang void ang SET majority decision at kaagad na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o injunction order na magdi-disqualify kay Poe.
Ikinatwiran ni David na ang findings ng minority sa pamumuno nina SC Associate Justices Antonio T. Carpio, Teresita J. Leonardo-De Castro at Arturo D. Brion, kasama si Senator Nancy Binay ay ang tamang desisyon na sumunod mga nakasaad sa batas.
Ang mga miyembro ng mayorya ng SET na nagdesisyon pabor kay Poe ay sina Senators Loren Legarda, Vicente “Tito” Sotto III, Pia Cayetano, Cynthia Villar at Paolo Benigno “Bam” Aquino IV.
PNA