Sumandal ang Pampanga Foton sa clutch shooting ni Levi Hernandez upang mapataob ang Manila NU-MFT, 76-69, at makahakbang palapit sa inaasam na pag-angkin ng Filsports Basketball Association (FBA) Second Conference championship title sa pagsisimula ng kanilang finals showdown na ginanap sa Colegio de San Sebastian Gym sa San Fernando, Pampanga noong nakaraang Martes.
Umiskor si Hernandez ng 13-puntos kabilang na rito ang krusyal na 3-point play sa final stretch na tumapos sa matinding paghahabol na ginawa ng Bulldogs at selyuhan ang 1-0 bentahe ng Toplanders sa best-of-three championships series.
Tumapos na topscorer para sa Toplanders ang dating Mapua ace playmaker na si Allan Mangahas na nagsalansan ng 17-puntos bukod pa sa pitong rebound na siyang naging susi upang siya ang tanghaling Korgivit E Best Player of the Game.
Nagposte ng game-high 23-puntos si Issa Gaye habang nagdagdag naman sina Kim Cinco at Rendell Senining ng tig-11-puntos para sa Mica Tan-backed Bulldogs.
Nakuha pang dumikit ng Bulldogs sa pamumuno ni Gaye na siyang nagpasiklab ng rally ng koponan sa final period kung saan naibaba nila ang kalamangan sa 69-71, papasok sa huling dalawang minuto ng laban.
Ngunit, dito na sumingit si Hernandez na kinumpleto ang krusyal na three-point play na nakatulong upang maselyuhan ng Pampanga Foton ang tagumpay.
Naghahangad ang Toplanders na makamit ang kanilang kauna-unahang titulo sa liga at makabawi mula sa kabiguang nalasap sa kamay ng QC-University of the Philippines (UP) noong nakaraang First Conference finals. (MARIVIC AWITAN)