Umaasa ang newly-crowned 78th UAAP men’s basketball champion Far Eastern University (FEU) na muling masusungkit ang korona sa susunod na edisyon sa kabila na anim na key player ang mawawala dahil sa graduation.

“Unang problema namin iyung graduation ng anim sa core ng first team. Second iyung education system dahil iyung graduation nila next year, next, next year pa,” sabi ni FEU Tamaraws athletic director Mark Molina sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) forum Martes sa Shakey’s Malate.

Kasama ni Molina ang mga manlalaro na sina Richard Escoto, Monbert Arong at Raymar Jose.

Mawawala na sa koponan sina team captain Rey Mark Belo, Christian Michael Tolomia, Roger Ray Pogoy, Alejandro Inigo, Jr. , Alfrancis Tamsi at Russel Escoto.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Subalit, hindi nag-aalala si Molina sa pag-alis ng anim dahil may nakahanda silang pamalit sa mga ito na magbubuhat sa Team B nila na kabibilangan ng dalawang Filipino-Kiwi na magtatapos ng high school sa Marso.

“Ang system naman ni coach Nash (Racela) is he cannot defend on one player. Team players. Pwede kahit sinong palitan,” ani Molina sa pabalitaktakang mga hatid ng San Miguel Corp., Accel, Shakey’s, at Philippine Amusement and Gaming Corp. “It’s a big challenge for us.”

Inamin naman nina Richard, Jose at Arong na ang matagumpay na pagkopo nila ng korona laban sa University of Santo Tomas (UST) ay ang scouting nila rito, pagsunod lang sa game plan at ang matinding depensa mga beterano ng Growling Tigers na sina Kevin Ferrer, Eduardo Daquiaog, Jr. at Karim Abdul.

Sasali ang Tams sa 13th Philippine Collegiate Champions League (PCCL) na magbubukas sa buwang ito at sa 6th PBA D-League na magbubukas Marso kung saan hindi na maglalaro ang anim na mga beterano at ang anim na mga bagito na ang mga ikakasa. (ANGIE OREDO)