Inilunsad na ng iba’t ibang pederasyon at asosasyon ng transportasyon sa Metro Manila ang “Transport and People’s Alliance” laban sa 15-taong jeepney phase out na planong ipatupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) simula sa Enero 1, 2016.
Ayon kay George San Mateo, national president ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON), dakong 1:00 ng hapon nang ilunsad ang nabanggit na alyansa sa Bulwagang Plaridel National Press Club (NPC).
Inihayag ng alyansa ang “National Transport and People’s Day of Action “ sa Disyembre 14 kontra sa phase out ng jeep.
Bandang 5:00 ng hapon nang nagsagawa ng noise barrage sa harapan ng NPC upang tutulan ang balak ng Department of Transportation and Communication (DoTC) na alisin sa lansangan ang mga jeep na nasa 15 taon na sa susunod na taon.
Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng DoTC at LTFRB sa mga transport group tungkol sa naturang modernisasyon upang ipaliwanag sa kanila ang implementasyon ng nasabing programa. (Bella Gamotea)