Sa kabila ng kaliwa’t kanang kaso ng diskuwalipikasyon na kinahaharap ni Sen. Grace Poe, idineklara ni dating Pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na malaki ang posibilidad na ang senadora ang kanyang susuportahan sa pagkapangulo sa 2016 elections.

“Malamang na malamang,” ito ang naging tugon ni Estrada nang tanungin ng komentarista sa radyo kung si Poe ang napupusuan ng alkalde na suportahan sa hanay ng mga presidential candidate sa 2016.

Sa mga nakaraang panayam, ilang beses na inihayag ni Estrada na nahihirapan siyang pumili sa pagitan ni Poe at ni Vice President Jejomar Binay na kanyang susuportahan sa pagkapangulo.

Si Poe ay anak ng yumaong “The King” na si Fernando Poe Jr., na dating matalik na kaibigan ni Estrada; habang si VP Binay ay kilalang kaalyado ni Erap sa pulitika at kabilang sila sa mga nagtatag ng United Nationalist Alliance (UNA) kasama si Sen. Juan Ponce Enrile.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Habang si Poe ay nahaharap sa patung-patong na kaso ng diskuwalipikasyon, inulan naman si VP Binay ng alegasyon ng pagkakasangkot sa multi-bilyong pisong katiwalian noong ito ay alkalde pa ng Makati City.

“Alam mo naman ‘yung ama ni Grace Poe ay buong higit pa na kapatid ko. Sa aking pananaw, kung ‘di siya kandidatong presidente, hindi naman malalabas ‘yan (disqualification cases). Sabagay, mukhang mahihirapan sila doon. Hindi naman tinitingnan ‘yung mga ganyan... pero ngayong kandidato nang presidente, hinahanapan na ng butas,” giit ni Mayor Erap. - Jenny F. Manongdo