Ni ALEXANDER D. LOPEZ

DAVAO CITY – Sa kabila ng banta na ipadidiskuwalipika ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo sa 2016 elections, magtutungo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila bukas upang panumpaan ang kanyang certificate of candidacy (CoC) sa kanyang pagsabak sa presidential race.

“Ito ay upang mapagtibay ang kanyang CoC na unang inihain ng kanyang abogado na si Salvador Medialdea na personal na nagtungo at nanumpa sa isang notaryo ng Comelec,” ayon kay Peter Tiu Laviña, tagapagsalita ni Duterte.

Aniya, ang pagtungo ng alkalde sa Comelec ay upang maiwasan ang pagdududa sa paghahain nito ng CoC at hadlangan ang mga hakbang upang madiskuwalipika ito bilang kandidato sa pagkapangulo.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Sa kanyang pagtungo sa Comelec main office, sinabi ni Laviña na sasamahan si Duterte ng National Capital Region-Quick Action Team na itinatag ni William Ramirez, ng dating kaklase ng alkalde sa Lyceum University na si Peter Laurel, at ng leader ng grupong manggagawa na nakabase sa Davao na si Dave Diwa.

Magtutungo rin ang katambal ni Duterte sa 2016 elections na si Sen. Alan Peter Cayetano bilang pagsuporta sa kandidatura ng incumbent Davao City mayor.

“Join us if you are in the Intramuros area. We do not like though to cause any traffic inconvenience to the good people of Metro Manila whose choice is clearly and conclusively for genuine change under the Duterte-Cayetano tandem,” dagdag ni Laviña.

Pinaalalahanan din ni Laviña ang kanilang mga tagasuporta na maging maingat sa isyu ng suportang pinansiyal sa kanilang kandidato dahil maaari itong gamiting bala laban kay Duterte ng mga kalaban nito sa pulitika.