Winalis ng last year’s losing finalist sa women’s division San Sebastian College ang nakatunggaling San Beda College, 25-15, 25-16, 25-19, kahapon upang makamit ang kanilang ikalawang sunod na tagumpay at makopo ang maagang pamumuno sa kabubukas pa lamang na NCAA Season 91 volleyball tournament sa The Arena sa San Juan.

Gaya ng kanilang naunang panalo kontra sa University of Perpetual Help noong opening day, muling nanguna para sa Lady Stags si reigning MVP Gretchel Soltones na nagtala ng 16-puntos, 15 dito ay pawang hits habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Jolina Labiano at Joyce Sta.Rita ng tig-8 puntos.

Dominado ng Lady Stags ang kabuuan ng laro base na rin sa naitala nilang statistics kung saan pinulbos nila sa hits ang Red Lionesses, 39-18, gayundin sa blocks, 6-0 at maging sa aces, 7-3 sa pangunguna ng Sta, Rita na nagtala ng 3 blocks at 2 aces, ayon sa pagkakasunod.

Hindi rin nila pinaporma ang San Beda sa kanilang floor defense sa pangunguna ni Alyssa Eroa na nagtala ng 8 digs na sinundan ni Soltones na mayroong 5.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Pinangunahan naman ang San Beda, na bumagsak sa ikalawang sunod na pagkabigo, nina Nieza Viray at Iris Domingo na kapwa may tig-5 puntos.

Nauna rito, hindi naman nakaporma ang San Sebastian Stags sa San Beda Red Lions na nakabalikwas mula sa unang kabiguang nalasap sa kamay ng Altas, 25-17, 25-23, 25-22.

Dahil sa kabiguan ng Stags ay bigo ang San Serbastian na makumpleto ang sweep kontra San Beda kasunod ng naunang panalo ng Staglets sa unang laro sa juniors division kontra Red Cubs, 25-20, 25-17, 25-15.

Samantala sa isa pang women’s match, kapwa nagtala ng tig-17 puntos sina Rosalie Pepito at Maria Shola Alvarez upang pangunahan ang Jose Rizal University sa pagtala ng una nilang panalo kontra Emilio Aguinaldo College, 27-25, 11-25,25-15, 25-18.

Dahil sa panalo, nakabasag sa win column ang Lady Bombers matapos mabigo sa unang laban nito sa kamay ng St. Banilde noong opening day. (MARIVC AWITAN)