Naglabas kahapon ang Supreme Court (SC) ng temporary restraining order (TRO) na nagpapatigil sa Commission on Elections (Comelec) sa pagpapatupad ng polisiya nitong “No Bio, No Boto” hanggang sa maisapinal ang usaping konstitusyunal na inihain ng ilang grupo laban dito.

Sa resolusyong ipinalabas matapos ang full court session nito, inatasan ng Korte Suprema Comelec at ang Office of the Solicitor General (OSG) na magkomentop sa iginigiit na ang pagkakaitan ng nasabing polisiya ang mahigit tatlong milyong botante na nakarehistro pero walang biometrics ng karapatang makibahagi sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Batay sa unanimous vote ng kataas-taasang korte sa TRO, dapat na ihain ang mga komento sa non-extendible period na 10 araw simula nang tanggapin ang resolusyon.

Ang full court session kahapon ay pinangunahan ni acting Chief Justice Presbitero J. Velasco Jr., dahil naka-sick leave si Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno, habang bumiyahe si Senior Justice Antonio T. Carpio, kasama ang West Philippine Sea arbitration team, patungong Netherlands.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sa petisyong inihain noong nakaraang linggo, iginiit ng Kabataan Party-list na ipatigil ng SC ang pagpapatupad ng probisyon ng RA 10367 (Mandatory Biometrics Voter Registration), na nagde-deactivate sa mga rehistradong botante na walang biometrics.

Partikular na iginiit ng petisyon ang pagpapawalang-bisa sa Comelec Resolution No. 9721, Resolution No. 9863, at Resolution No. 10013, na nagpapatupad sa polisiyang “No Bio, No Boto”.

Batay sa datos ng Comelec, may kabuuang 3,059,601 rehistradong botante ang nananatiling walang biometrics data hanggang nitong Setyembre 30, 2015. (Rey G. Panaligan)