Patay ang isang mag-asawa makaraan silang pagbabarilin ng dalawang suspek habang sakay sa isang motorsiklo, kasama ang limang taong gulang nilang anak na babae, sa Sitio Matab-ang, Barangay Day-as, Cordova, Cebu, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Aranilo Tampus, 33; at Elisa Tampus, 38-anyos.

Nanggaling ang mga biktima sa kanilang inuupahang bahay sa Bgy. Buagsong, Cordova at patungong Cebu City kaangkas ang kanilang anak na babae sa isang motorsiklo nang dakmain ng dalawang hindi kilalang lalaki ang bag ni Elisa habang nakahinto ang pamilya sa Sitio Matab-ang.

Bagamat nakatutok ang baril, nakipag-agawan pa si Elisa sa kanyang bag sa mga holdaper, kasabay ng pagtalilis ng kanilang anak palayo sa mga suspek.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nang mataranta na, maraming beses na pinaputukan ng mga suspek ang mag-asawa, bago tinangay din ang motorsiklo ng mga biktima sa kanilang pagtakas. (Mars W. Mosqueda, Jr.)