Sugatan ang isang security guard makaraang aksidenteng pumutok ang kanyang service firearm at natamaan ang kanyang ari, habang nagbabantay siya sa isang paaralan sa Quezon City, nitong Biyernes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Noe Drio, 42, security guard ng Lock Head Global Security and Investigation Services, Inc., at residente ng No. 82 De Gloria Extension, Taniman, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Ayon sa pulisya, dakong 5:20 ng hapon at nagbabantay si Drio sa loob ng Manuel L. Quezon Elementary School sa Bgy. Commonwealth nang magpasya siyang ayusin ang kanyang .9mm caliber service firearm.

Inililipat ni Drio ang baril sa harap ng kanyang beywang nang bigla itong pumutok, at tumama ang bala sa kanyang ari, at nadaplisan din ang kanyang kaliwang hita at tuhod.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Agad na isinugod si Drio ng rescue team ng Bgy. Commonwealth sa Far Eastern University (FEU) Hospital, at kalaunan ay inilipat sa East Avenue Medical Center para sa gamutan.

Iniimbestigahan na ng Quezon City Police District (QCPD)-Batasan Police Station 6 ang insidente. - Vanne Elaine Terrazola