ANG Pambansang Araw ng Albania ay ipinagdiriwang taun-taon tuwing Nobyembre 28. Sa araw na ito noong 1912, nagdeklara ang Albania ng kalayaan mula sa Ottoman Empire. Pangunahing tampok sa Pambansang Araw ng bansa ang “Flag Day.” Itinataas ang watawat ng bansa nang may mataas na respeto sa presensiya ng Prime Minister, Pangulo, at iba pang mga opisyal ng republika. Ang iba pang aktibidad bilang selebrasyon sa makasaysayang araw na ito ay kinabibilangan ng pagbisita sa mga libingan ng mga bayani ng bansa at mga konsiyerto sa kabiserang Tirana, na rito nagtatanghal ang mga tanyag na mananayaw at mang-aawit.
Ang Tirana ang kabisera at pinakamalaking siyudad ng Albania, na bumubuo sa 20 porsiyento ng populasyon ng bansa.
Ang bansa ay nahahanggan ng Greece sa timog, Montenegro sa hilaga, Serbia sa hilaga-silangan, at republika ng Macedonia sa silangan. May baybayin ito ng Adriatic Sea sa kanluran at isa pang baybayin sa Ionian Sea sa timog-kanluran.
Batay sa kasaysayan, ikinasiya ng Albania ang sandaling panahon ng kalayaan nito noong ika-15 siglo, sa ilalim ng popular na bayaning si George Kastriot (o mas kilala bilang “Skanderbeg”). Makalipas ito, ilang beses na nagtangka ang bansa na mabawi ang kalayaan nito mula sa mga Turk. Noong ika-19 na siglo, pumalag ang mamamayan ng Albania sa pagtatangka ng mga Turk na angkinin ang bansa at noong 1878, binuo ng mga leader ng bansa ang Albanian League upang pag-isahin ang bayan. Ginamit nila ang alpabeto at nagkaroon ng sariling lengguwahe, literatura, at edukasyon.
Noong 1908, muli silang nakipaglaban at sa wakas ay nabawi ang kanilang kalayaan noong 1912. Nobyembre 28 ng taong iyon nang nagtipun-tipon ang ilang leader ng asembliya sa Vlore. Sa pangunguna ni Ismail Qemali, isa sa mga tanyag na pinuno ng pambansang pagkilos sa Albania, itinaas nila ang watawat ng bansa upang iproklama ang kalayaan mula sa Ottoman Empire.
Ngayon, ang Albania ay kasapi ng ilang regional at international organization, gaya ng United Nations, ng Organization for Security and Cooperation sa Europe, ng World Trade Organization, ng Organization of the Islamic Conference, at ng Union for the Mediterranean. Ang bansa ay opisyal na kandidato rin para mapabilang sa European Union simula noong Hunyo 2014. Napapanatili nito ang ugnayang diplomatiko sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Noong 2013, nilagdaan ng Pilipinas at Albania ang “Agreement between the Government of the Republic of the Philippines and the Council of Ministers of the Republic of Albania on the Waiver of Visa Requirements for Holders of Diplomatic, Service, and Official Passports” upang maisulong ang pagpapalitan ng mga high-level at opisyal na pagbisita na titiyak sa mas matibay na pagtutulungan ng dalawang bansa sa larangan ng pulitika, ekonomiya at kultura.
Binabati natin ang Mamamayan at ang Gobyerno ng Republika ng Albania, sa pangunguna nina Prime Minister Edi Rama at President Bujar Nishani sa pagdiriwang nila ng kanilang Pambansang Araw.