Ipinasa ng Senado noong Huwebes ng gabi sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang P300.2- trillion national budget para sa 2016.

Bumoto ang mga senador ng 14-1 na walang abstention para aprubahan ang kanilang sariling bersyon matapos ipasok ang mga pagbabago sa House Bill No. 6132 ng 2016 General Appropriation Bill.

Ang mga bumotong pabor sa budget ay sina Senate President Franklin Drilon, Senators Bam Aquino, Nancy Binay, Pia Cayetano, JV Ejercito, Juan Ponce Enrile, Francis Escudero, Teofisto Guingona III, Loren Legarda, Serge Osmeña, Grace Poe, Ralph Recto, Vicente Sotto at Antonio Trillanes IV.

Tanging si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III ang bumoto nang kontra matapos tanggihan ang kanyang hakbang na humihingi ng justification sa pagkakaloob ng dagdag na P269.5-million sa panukalang P230.5 million budget ng Office of the President.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kabilang sa mga pagbabago ang P10.78-billion augmentation sa budget ng Department of National Defense (DND) at ang pagbabalik sa P500 million budget ng Commission on Elections (Comelec).

Ipinagmalaki ni Drilon na sa termino lamang ni Pangulong Benigno Aquino III hindi nagkaroon ng “re-enacted budget” o ang pag-ulit ng paggastos ng budget batay sa mga nakaraang taon.

Idinagdag ni Drilon na ngayon ay mabibigyan na nila ng oras ang pagtalakay sa Bangsamoro Basic Law (BBL).

Binanggit niya na magpupulong na sila ng Kamara sa mga susunod na araw para pag-isahin ang bersyon ng dalawang kapulungan at kung maaprubahan na ito ay agad nilang isusumite sa Palasyo para maipatupad sa susunod na taon.

(LEONEL ABASOLA at PNA)