Laro ngayon
Araneta Coliseum
3:30 p.m. UST vs. FEU
Tamaraws, susuwagin ang titulo; UST babawi sa Game Two?
Natuto na sila ng leksiyon sa nangyari sa kanila noong nakaraang taon kaya naman sisiguruhin ngayon ng Far Eastern University na hindi na masasayang ang kanilang natamong panalo noong Game One kontra University of Santo Tomas para ganap na maiuwi ang ika-20 nilang titulo sa Game Two ng UAAP Season 78 men’s basketball tournament Finals ngayong hapon sa Araneta Coliseum.
Matatandaang tinalo rin ng Tamaraws ang Season 77 champion National Univeristy sa Game One noong nakaraang taon bago sila winalis ng Bulldogs sa huling dalawang laro para makamit ang kampeonato.
“I think we learned our our lesson from last year ‘s finals,” pahayag ni FEU coach Nash Racela, “We were up one game but we lost the series.”
“The series is not yet over and we need another win, we’ll try to finish this on Saturday,” dagdag pa nito.
At hindi naman nalalayo sa imposible ang gustong mangyari ni Racela dahil kumpara noong nakaraang taon, mas solido at mas malakas ang kanyang roster ngayon.
Ito’y matapos nilang makamit ang kauna-unahang goal ngayong taon na mapalalim ang kanilang rotation na kitang-kita sa naganap noong Game One kung saan wala silang manlalaro na naglaro ng mahigit 25 minuto sa loob ng court maliban kay Roger Pogoy na naka-26 na minuto at halos balanseng-balanse ang kanilang opensa at ang limang manlalaro nila ang nagposte ng double digit output na kinabibilangan nina Pogoy, Mac Belo, Mike Tolomia, Russel Escoto at Prince Orizu.
Gayunman, sinabi ni Rcaela na hindi pa rin ito dahilan para sila maging kampante dahil batid nilang may kakayahan ang UST na makabawi.
At ito naman ang ipinangako ng kanilang katunggaling Tigers matapos mabigo noong Game One kung saan hindi sila pinaiskor ng Tamaraws sa huling limang minuto ng laban pagkatapos makatikim ng kalamangan para maagaw ang tagumpay.
“It’s just breaks of the game. We lost our composure after nung tatlong sunod na turnovers. Di kami agad nakapag-adjust,” pahayag ni UST coach Bong de la Cruz. “Ganun talaga, hindi naman naming ginusto yun, so we will definitely bounce back on Game Two.”
Sinang-ayunan naman ang pahayag na ito ni De la Cruz ng kanyang mga key players partikular nina Karim Abdul, Ed Daquioag at Kevin Ferrer.
“Hindi kami mangangako, basta gagawin namian ang lahat ng aming makakayanan para makabawi,” pahayag ng skipper na si Ferrer.
Si Daquioag na hindi gaanong naramdaman ang 4 na puntos na kontribusyon noong Game One sa loob ng 29 na minuto na itinagal niya sa loob ng court ay nangakong gagawin ang lahat upang makabawi sa kanyang naging malamyang laro.
Samantala, inaasahan din na mag-i-step-up sa kanilang mga laro ang mga beteranong sina Jon Sheriff, Kent Lao , Mario Bonleon at Louie Vigil habang inaantabayanan naman ang kaukulang minuto para sa mga rookies na sina Marvin Lee at Kyle Suarez gayundin ang mga stringers na sina Jeepy Faundo at Renzo Subido. (MARIVIC AWITAN)