Kalaboso ang isang 38-anyos na Pinay makaraang ireklamo ng pangingikil ng P5 milyon ng isang New Zealander, sa isang entrapment operation ng Pasay City Police kamakalawa.

Kinilala ni Pasay City Police Chief Senior Supt. Joel B. Doria ang suspek na si Irene Riva Boquiron, dalaga, walang trabaho, nakatira sa No.1628 Bulacan St., ng naturang lungsod.

Ang biktima ay si Raymond Alden Adlam, 46, may asawa, New Zealand national, pansamantalang nanunuluyan sa 1304 Fraser Place, Valero St., Salcedo Village, Makati City.

Dakong 4:35 ng hapon nang dakpin ng awtoridad si Boquiron sa loob ng Seafood Island Restaurant sa SM Mall of Asia complex.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Ayon sa biktima, nagkakilala sila ng suspek noong Agosto at nagkaroon ng relasyon. Ngunit nitong Oktubre ay nakipaghiwalay siya sa babae. Dito na nagsimula ang umano’y panggugulo ng suspek sa kanya kabilang na ang pagbabanta na ipo-post sa Facebook ang litrato ng kanyang misis at anak pati na ang kanyang mga hubad na larawan. Kapalit ng pananahimik, humingi ang suspek ng P5 milyon hanggang sa ibaba ito sa P50,000. (Bella Gamotea)