Kasalukuyang nasa Albay ang mga pandaigdigang ehekutibo sa paglalakbay, turismo, at mga manlalaro na pinangungunahan ni Mario Hardy, Chief Executive Officer ng Pacific Asia Travel Association (PATA) para sa New Tourism Frontiers Forum 2015 ng PATA, isang dalawang-araw na kumperensiya para sa paglalakbay at turismo na nagbukas ngayon. Ang Albay ang punong-abala ng okasyon sa Oriental Hotel sa Legazpi City.

Pinananatili ng pagpupulong na ito ang pagdaloy ng mga turista sa Albay na lalong sumigla kamakailan na nagresulta mula sa isang pagtitipun-tipon ng mga paborableng dahilan. Isa na rito ang pag-apaw ng hindi opisyal na banyagang delegado pati na ang katatapos na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit nitong Nobyembre 17-20, na nagpasyang bisitahin ang magagandang lugar sa Albay bilang bonus sa kanilang pagbisita.

Isa pa, ang popular na ABS-CBN TV reality show na Pinoy Big Brother (PBB) 737 finals na una nang idinaos sa Legazpi na nagtampok sa mga naggagandahang lugar sa Albay, partikular na ang bulkang Mayon at ang makasaysayang Casagwa Ruins, ay nagpaabot ng matinding suporta. Ang bulkang Mayon at Casagwa ay kapwa paboritong mga lugar na pang-selfie sa social media.

Bukod diyan, kinilala kamakailan ng PATA ang Albay bilang Top Global Destination at nagwagi sa $1-million CEO Challenge Award na personal na tinanggap ni Albay Gov. Joey Salceda sa isang okasyon na idinaos sa London, kung saan kinonsidera ng mga pandaigdigang travel players na isama ang Albay sa kanilang top priority destination list.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Samantala, ang orihinal na 191 kalahok sa PATA New Frontiers Forum ay halos dumoble. Sa ngayon, wala nang bakante at magulo na sa mga hotel sa Legazpi City at iba pang mga sentro ng populasyon sa probinsiya, kabilang ang mga lungsod ng Tabaco at Ligao.

Walang duda na nakatulong ang mga kaganapang ito sa mga malikhain at maparaang programa ng Albay sa turismo na pinasimulan ni Salceda makalipas ang walong taon.

Idineklara ng Department of Tourism (DoT) ang Albay bilang Philippines’ fastest growing tourist destination na nakapagtala ng tuluy-tuloy na paglago ng turismo na 47% noong 2012; 66% noong 2013; 52% sa unang kalahati ng 2014 at ang pagdagsa ng mga turistang banyaga mula 8,700 noong 2006 na umabot na sa mahigit 339,000 sa nakalipas na taon.

Tiyak na prominente ang pitak ng Albay sa turismo ng Pilipinas at tunay na nakapupukaw ng espesyal na atensiyon sa ilaim ng “Visit the Philippines Again 2016” na kampanya ng DOT. Inilunsad kamakailan ang pagkilos na ito sa World Travel Mart at ExCel Docklands sa London na dinaluhan din ni Salceda kasama si Tourism Secretary Ramon Jimenez.

(JOHNNY DAYANG)