Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang mga residente sa tatlong bayan ng Aklan laban sa red tide.
Ayon kay Rico Magno, aquaculturist ng BFAR sa Aklan, ang tatlong bayan na nagpositibo sa red tide ay ang Batan, Altavas at New Washington sa silangang distrito ng lalawigan.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ang mga residente na huwag munang manghuli at kumain ng ilang pagkaing dagat katulad ng shellfish, alamang at iba pa.
Nakikipag-ugnayan na ang BFAR sa mga lokal na pamahalaan ng mga apektadong bayan para ma-imbentaryo kung ilang mangingisda ang apektado ng red tide.
Bukod sa Aklan, apektado rin ng red tide ang ilang lalawigan sa buong bansa katulad ng Capiz, Masbate, Davao Oriental, Bohol, Western Samar, Biliran at Leyte. (Jun N. Aguirre)