Gumamit na ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ng metal detector at K-9 unit upang makakumpiska muli ng iba’t ibang kontrabando sa ikalimang operasyon ng “Oplan Galugad” sa isang quadrant sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.

Ayon kay BuCor Director Retired Lt. General Rainier Cruz III bago mag-6:00 ng umaga ikinasa ang sorpresang inspeksiyon ng BuCor personnel, bitbit ang ilang metal detectors at K-9 unit, sa quadrants 4, 1 at 2 sa loob ng maximum security compound ng NBP.

Sa tulong ng metal detector, nakarekober ang BuCor ng mga kontrabando, kabilang ang mga binaklas na motorsiklo, isang granada, patalim, .45 caliber na baril at iba’t ibang bala, na isinilid pa sa garapon bago ibinaon sa lupa sa likod ng mga gusali sa naturang quadrant.

Nasamsam din ng awtoridad ang 11 bote ng alak na nakatago sa alulod ng gusali.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Nobyembre 21 nang isagawa ng BuCor ang ikatlo nitong raid sa Quadrant 4, na nasa Buildings 9 at 14 sa naturang compound ng NBP, na kinapipiitan ng 53 high-profile inmate, kabilang si Jayvee Sebastian na tinaguriang lider ng Commando Gang.

Nadiskubre ng BuCor officials ang mga electric gadget, cell phone, drug paraphernalia at laruang helicopter na remote control. (Bella Gamotea)