Sa malas, hindi kontrolado ng Ehekutibo ang lahat ng bagay.
Ito ang bahagi ng mensahe ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa mga kaanak ng mga napatay sa karumal-dumal na Maguindanao Massacre—isang kaso na ipinangako ni Pangulong Aquino na mareresolba bago matapos ang kanyang termino.
“Isa rin po ‘yan sa mga naging pag-asa ng Pangulong Aquino. At least in the beginning, he said na sana daw po ay matapos, at least at the RTC (regional trial court) level. But marami pong mga bagay na hindi po kontrolado ng ehekutibo,” sinabi ni Valte sa panayam ng DZRB.
Nagbigay ng pahayag ang opisyal ng Palasyo kaugnay ng paggunita ngayong Lunes sa ikaanim na anibersaryo ng pagpaslang sa 58 katao—kabilang ang 32 mamamahayag—sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
“Ang sinigurado po ng Pangulong Aquino ay mabilis ang paggalaw ng estado sa side ng paglilitis pagdating dito sa Maguindanao massacre at umaasa pa rin po tayo na magkakaroon ng hustisya para doon sa mga pamilyang naghihintay,” sabi pa ni Valte.
“Makakaasa po kayo na gagawin pa rin po namin ‘yung aming mabilis na pag-aksyon on the side of the prosecution para maitulak pa rin po ang kasong ito,” ani Valte. - Ellson A. Quismorio