Hinikayat kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na simulan nang mamili ngayon ng Noche Buena items sa mga pamilihan para sa nalalapit na Pasko.
Nais ng DTI na iiwas ang publiko sa dagsa ng mamimili, makipagsiksikan sa loob ng supermarket, at magtiis sa napakahabang pila bago makarating sa mga counter, na karaniwan nang nararanasan tuwing Disyembre.
Bukod pa rito, makakaiwas ang publiko na maubos ang oras sa biyahe pa lang papunta sa shopping malls, dulot ng matinding trapiko kapag Christmas rush.
Pinayuhan ang publiko na kung may budget na ay maagang mamili ng mga panghanda at dapat unahin ang pasta spaghetti, macaroni, spaghetti sauce, fruit cocktail, condensed milk, all purpose cream, keso, at iba pa na matagal pa ang expiration date.
Unang tiniyak ng DTI na walang pagtaas sa presyo ng Noche Buena items hanggang Pasko, at sapat na supply nito sa mga pamilihan kaya hindi dapat na mag-panic ang mga mamimili.
Pakiusap naman sa publiko ng samahan ng mga supermarket sa bansa, bilhin o tangkilikin ang sariling produkto, lalo dahil marami namang mapagpipiliang brand para sa Noche Buena items na abot-kaya sa bulsa.
Samantala, abala na ang mga kinatawan ng DTI sa pagpapaskil ng mga poster para sa suggested retail price (SRP) ng Noche Buena products sa mga pamilihan sa bansa bilang gabay ng mamimili. (Bella Gamotea)