Sinabi ni Senate President Franklin M. Drilon na determinado ang Senado na maisakatuparan ang kapayapaan sa Mindanao sa pamamagitan ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).
Iginiit ni Drilon na hindi nakalutang sa kawalan ang kontrobersiyal na panukala, bagamat sa pagsisimula ng debate ng Senado ngayong Lunes ay prioridad na talakayin ang panukalang P3.002 trillion national budget para sa 2016.
Bagamat tiyak nang makokonsumo ng panukala sa national budget ang malaking bahagi ng legislative calendar ng Mataas na Kapulungan sa pagpapatuloy ng sesyon ngayong Lunes, ang pagsasabatas sa BBL ay nananatiling “top priority’’, ayon kay Drilon.
“From this week to the first week of December, we expect to be busy tackling the 2016 national budget, which we also need to pass before the year ends. After that, we will devote the rest of our sessions to passing the BBL,” ani Drilon. - Mario Casayuran