Tinalo ni Saul “Canelo” Alvarez si Miguel Cotto sa pamamagitan ng unanimous decision sa kanilang laban kahapon sa Mandalay Bay, Las Vegas.
Nakaungos na si Alvarez sa laban simula pa lamang sa opening bell, at ang panalo nito ay bunga ng kanyang malalaking bigwas ng kanang kamay at mga uppercut. Gumawa ng puwersa si Cotton a sumuntok at nagkaroon ng pagkakataon na kuminang sa laban subalit nakaungos na si Alvarez.
Ang mga manunuod ay nakatayo na ang maga tao habang ang dalawang boksingero ay nagpalitan ng suntok sa final round.
Bandang huli ay pinaboran ng mga hurado si Alvarez matapos ang 12 round sa iskor na 117-111, 119-109, 118-110.
Nasungkit ng 25-anyos na si Alvarez, na dating unified junior middleweight champion ang WBC titulo na binakante ni Cotto matapos na tumanggi itong magbayad ng sanctioning fees na umaabot sa halagang $300,000.
Magugunitang tinanggalan ng World boxing middleweight title si Cotto, apat na araw bago ang laban nito kay Alvarez ng Mexico.
Sa undercard, nananatili pa ring walang talo si Guillermo Rigondeaux matapos na talunin nito ang Pinoy na si Drian Francisco sa pamamagitan ng unanimous decision.
Sa umpisa ng laban, nagpamalas ng bilis at lakas si Rigondeaux subalit umani pa ito ng boo at kantiyaw mula sa mga manunuod dahil halos ayaw nitong makipagsabayan kay Francisco.
Gayunman, natapos ang laban na wagi si Rigondeaux sa pamamagitan ng unanimous decision sa score na 100-90, 100-90, at 97-93 mula sa scorecards ng mga judge. -Abs-Cbn Sports